Pagpapakita lamang na seryoso ang pamahalaan sa pagpapasaok ng maraming dayuhang mamumuhunan matapos sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga panukala may kinalaman sa pagtulong sa ekonomiya.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, malaki ang maitutulong ng pagsertipikang urgent ni Pangulong Duterte sa Public Service Act, Retail Trade Liberalization Act, at sa Foreign Investments Act para maramdaman ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.
Sa ngayon kasi, ang Pilipinas ang siyang pinakasaradong ekonomiya sa buong ASEAN region.
Kaya naman hindi na nakakagulat pa na ang Pilipinas din ang pinakahirap sa pagpapapasok ng foreign direct investments, ayon kay Salceda.
Sabi ng ekonomistang mambabatas, ang tatlong panukalang batas ay makakatulong din para makabangon ang bansa sa kalbaryong idinulot ng COVID-19 pandemic, kagaya ng ipinapangako rin ng Resolution of Both Houses No. 2, na naglalayong amyendahan naman ang economic restrictions ng Saligang Batas.
Ilang daang bilyong piso aniya ang nawawala sa Pilipinas mula sa tax incentives, pero kung tutuusin ay mayroon namang simple at murang solusyon dito.
Isa na nga aniya rito ay ang pagbubukas ng mga industriyang nangangailangan ng capital sa foreign investment sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas.