383 volcanic earthquakes nailata sa Bulkang Taal; Alert Level 2 nakataas pa rin

By Erwin Aguilon April 14, 2021 - 08:27 AM

Nakapagtala ng 383 na volcanic earthquakes kabilang ang 238 na volcanic tremors ang Phivolcs sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 na oras.

Ayon sa Phivolcs, tumagal ito ng isa hanggang 12 minuto.

Mayroon din itong 143 low frequency volcanic earthquakes at low-level background tremor na nagsimula noon pang 9:05 ng umaga ng April 8, 2021.

Sabi ng Phivolcs, mayroong pagtaas ng hot volcanic fluids sa Main Crater lake kahapon ng umaga na lumikha ng 300 metrong tall steam-laden plumes mula sa active fumaroles sa northern side.

Nakapagtala rin ng 1,886 na toneladang pagbuga ng sulfur dioxide kada araw noong, April 12.

Nasa 71.8 degrees Celsius na init sa main crater ng Bulkang Taal.

Nagpapatuloy pa rin naman ang pamamaga ng bulkan na nagsimula sa pagsabog nito noong Enero ng nakalipas na taon.

Dahil dito, sinabi ng ahensya na nagpapakita lamang ang kanilang mga obserbasyon na patuloy ang paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan.

Pinaaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na sa ilalim ng  Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa volcano island na idineklara ng Permanent Danger Zone.

Pinaiiwas din ng Phivolcs ang mga piloto na lumipad malapit sa bulkan dahil sa pinangangambahang pagsabog nito na maaring magdulot ng pinsala sa anumang sasakyang panghimpapawid.

TAGS: Alert Level 2, Batangas, Bulkang Taal, phivolcs, Alert Level 2, Batangas, Bulkang Taal, phivolcs

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.