Epekto ng paglalagay sa NCR plus sa MECQ ikinababahala ng isang ekonomistang mambabatas

Ikinababahala  ni  Marikina Representative Stella Quimbo ang pasya ng pamahalaan  na isailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang National Capital Region (NCR) plus.

Ayon kay Quimbo, naging epektibo noong buwan ng Agosto ng nakalipas na taon ang ipinatupad na MECQ para mapababa ang mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila pero iba aniya ngayon.

Sabi ng ekonomistang mambabatas,  pumapalo sa 10,000 hanggang 15,000 kaso ng COVID-19 ang naitatala araw-araw kumpara sa 4,000 kaso nang ipatupad ang MECQ noong isang taon.

Sakali aniya na magiging pareho ang epekto ng MECQ noon sa MECQ ngayon, posibleng bumaba sa 40% o 6,000 hanggang 9,000 na lamang ang COVID-19 cases na maitatala.

Pero masyado pa rin itong malaki kumpara sa 4,000 na kaso noong ipinatupad ang 2020 MECQ at bumaba pa sa 2,500 hanggang 3,900 ang mga kaso matapos ang ikatlong linggo ng mahigpit na community quarantine.

Dahil dito, muling inirekomenda ni Quimbo ang mas ‘responsive plan’ at mas ‘targeted approach’ tulad ng implementasyon ng “household lockdown”.

Sa household lockdown, sinabi ni Quimbo na ang mga apektadong pamilya lamang ang kailangang sumunod sa mahigpit na “stay at home policy” o bawal lumabas ng tahanan pero dapat tiyakin na sila ay mabibigyan ng ayuda at kinakailangang healthcare.

Dahil limitado rin ang resources at pondo, sinabi ni Quimbo na kailangang may istratehiya at mas epektibong paggamit sa mga ito para sa kapakanan ng mga nangangailangan.

Dagdag ni Quimbo na sa household lockdown, hindi na kakailanganing isara ang ekonomiya at makakapag-trabaho pa rin ang mga mangggagawa habang napo-protektahan ang kanilang kaligtasan at kalusugan.

 

Read more...