Sa panahon ng pandemya, ang pinakamabisang serbisyo publiko ay ‘yung pagkakaloob ng tulong na walang tanung-tanong kung taga-saan o kung may pambayad ka ba.
May kuwento akong nalaman. Ka share-share.
Tatlong araw na tinanggihan sa iba’t ibang ospital ang isang ginang na positibo sa COVID-19 at may malalang sintomas nito.
Nangingitim na nga raw ang mga daliri. Hirap na hirap sa paghinga.
As a last option, tinawagan ng isa sa kamag-anak ang tanggapan ng alkalde ng kalapit na lungsod sa Metro Manila.
Walang tanung-tanong, naging maagap ang tulong. Naipasok ng ospital. Isang buhay ang naisalba.
Ang totoo, maraming natulungan ang naturang alkalde na walang kabuntot na press release. Maingay siya sa iba’t ibang multimedia platform pero may mga tulong siyang walang bali-balita.
Ayokong banggitin ang pangalan ng alkalde dahil baka intrigahin pa sa halip na pasalamatan. Sabihin na lang natin na ang ipinagkaloob na tulong ng kanyang kanang kamay ay hindi nalaman ng kaliwa.
Ganito ang mga lingkod-bayan na kailangan natin. Ano ba naman ang pakinabang niya sa naturang pasyente mula sa kabilang lungsod?
Walang pasubali na mas matindi ang hamon ng pandemya sa pagsampa sa ikalawang taon.
Mas dapat na patatagin ang mga lokal na pamahalaan dahil sa kanila talaga babagsak ang pdoblema. Sila talaga ang unang sasala ng problema. Isama na ang mga barangay.
Sa alkalde ng naturang lungsod, ituloy mo lang. Ika’y may gantimpala sa taumbayan.