Babae nagreklamo ng panggagahasa sa LTFRB

taxi-genericNagreklamo ng panggagahasa sa tanggapan ng LTFRB ang isang bente singko anyos na babae habang siya ay nakasakay umano sa isang taxi.

Ayon Kay LTFRB Board Member Atty.Ariel Inton, sumakay ang biktima sa QC patungo sana ng Mandaluyong Lunes ng gabi.

Pero sa halip na ihatid sa kanyang destinasyon ay dinala umano ang hindi pa pinapangalanang biktima sa Antipolo sa Rizal.

Doon umano nagpaikot-ikot ang kanyang sinasakyang taxi habang siya ay ginagahasa ng isang lalaki na nakasakay pala sa compartment ng taxi.

Nagsalit-salitan aniya ang taxi driver na hindi pa rin matukoy ang pagkakakilanlan at ang lalaking kasapakat nito sa paggahasa sa kanya.

Gayunman ay naplakahan umano ng biktima ang taxi na kanyang nasakyan at ito ay AAP 7886.

Pero sa pagbeberipika ni Inton sa data base ng LTFRB ay hindi nakarehistro sa kanila ang naturang sasakyan na nagpatibay naman sa kanyang hinala na iyon nga ay kolorum.

Aalamin na rin aniya nila sa LTO kung existing o kung kanino nakarehistro ang naturang sasakyan para matukoy ang mga salarin.

Batay sa impormasyon ni Inton na ipina-blotter na ng biktima sa Mandaluyong City Police ang insidente.

Read more...