(Photo courtesy: DAR)
Nagsanib puwersa ang Department of Agrarian Reform (DAR) at ang National Nutrition Council para tugunan ang pagkagutom sa Central Visayas.
Ayon kay DAR-Central Visayas Regional Director Atty.Resty Osias, isang Memorandum of Understanding ang nilagdaan sa ilalim ng programang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP), kung saan makikinabang ang tatlong (3) agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) at tutulong upang masugpo ang kagutuman, tiyakin ang seguridad ng pagkain at nutrisyon at bawasan ang kahirapan sa naturang lugar.
Layunin ng programa na bigyan ng mga pangunahing serbisyo sa kalusugan, nutrisyon, serbisyong panlipunan, maagang edukasyon at iba pang mga serbisyo sa pagpapatuloy ng pangangalaga mula sa pagbubuntis hanggang sa unang dalawang taon ng buhay ang mga residente sa lugar.
“Sa ilalim ng kasunduan, ang 3 mga ARBO sa Gitnang Kabisayaan ay maghahatid ng mga kinakailangan sa nutrisyon ng NNC na magmumula sa kanilang mga inaning produktong agrikultural katulad ng gulay, bigas, itlog, prutas at iba pa,” pahayag ni Osias.
Bibigyan din ang mga magsasaka ng produktong agrikultural sa mga institutional feeding programs; pagkakaloob ng mga pautang sa mga samahan sa komunidad; at pagpapabuti ng kapasidad, kakayahan at pagiging produktibo ng mga samahan sa komunidad.