Mga doktor, nurse na galing Visayas na tutulong sa NCR, makatatanggap ng P70,000 cash incentives
(Courtesy: OPAV)
Makatatanggap ng P70,000 na cash incentives ang 50 doktor at nurse nag-boluntaryong magtrabaho ng tatlong buwan sa Metro Manila para tumulong sa pagtugon sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Office of the Presidential Assistant for the Visayas Secretary Michael Dino, bukod pa ito sa buwanang sahod na matatanggap ng mga health workers.
Galing aniya ang pondo sa OPAV, Cebu provincial government at Cebu City government.
Ayon kay Dino, tig P5,000 ang ibibigay ng OPAV sa bawat health worker kada buwan. Nangangahulugan ito ng P15,000.
Magbibigay aniya si Cebu Governor Gwendolyn Garcia ng kaparehong halaga ng insentibo at karagdagang P10,000 sa pagbalik nila sa Cebu.
Magbibigay din si Garcia ng tatlong buwang supply ng vitamins at wearable air purifier sa bawat volunteer.
Magbibigay naman si Cebu City Mayor Edgardo Labella, ng tig P10,000 sa bawat volunteer.
Itatalaga ang mga health workers galing Visayas sa mga ospital sa National Kidney Transplant Institute, Jose Reyes Memorial Medical Center, Lung Center of the Philippines, Rizal Medical Center, at Tondo Medical Center.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.