Dalawang heneral na parehong tumangging magpakilala ang nanawagan na isailalim sa masusing imbestigasyon ang bakbakan ng mga militar at Abu Sayyaf sa Basilan na ikinasawi ng 18 sundalo.
Naniniwala ang isa sa kanila na nagkaroon ng “failure of leadership” mula sa mga pinakatuktok hanggang pinakababa ng pamunuan.
Kulang aniya sa karanasan, at palpak sa intelligence at pagpa-plano ang mga ito, kaya’t iginiit niya na dapat managot ang mga nasa brigade hanggang sa lebel ng Western Mindanao Command.
Ayon naman sa isa pang heneral, nararapat lang aniyang magkaroon ng tanggalan sa pwesto at inakusahan pa si regional military chief Maj. Gen. Mayoralgo del Cruz ng aniya’y “micromanagement” sa mga operasyon.
Aniya, si Del Cruz ang nagplano ng operasyong ito at pumunta pa mismo ito sa headquarters bago sumabak ang mga tropa.
Para naman kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Hernando Iriberri, masyado pang maaga para magsagawa ng imbestigasyon dahil nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon ang operasyon.
Samantala, tumanggi naman ang mga opisyal ng militar na i-detalye sa media ang 10-oras na engkwentro sa Tipo-Tipo, Basilan noong Sabado.
Maging ang mga pamilya ng mga nasawing sundalo na pare-parehong sumisigaw ng hustisya ay sinabihan na huwag munang makipag-usap sa mga kawani ng media kahit pa may mga nanawagan na ng imbestigasyon.