Dating MRT GM Al Vitangcol, nakasuhan na naman ng graft

By Kathleen Betina Aenlle April 12, 2016 - 04:46 AM

 

 

Inquirer file photo

Muli na namang nasasakdal sa kasong graft ang dating general manager ng Metro Rail Transit (MRT) na si Al Vitangcol.

Inaprubahan na ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay Vitangcol at sa negosyanteng si Wilson de Vera sa Sandiganbayan dahil sa umano’y paghingi ng $30 million mula Czech company na  Inekon Group.

Sinasabing kapalit nito ay ang pagbibigay sa kumpanya ng P3.7 bilyong halaga ng kontrata sa pagsu-supply ng 48 bagong tren sa MRT noong 2012.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, sapat na ang mga pahayag ni dating Czech Ambassador to the Philippines Joseph Rychtar at mga opisyal ng Inekon Group para kasuhan ng two counts ng graft sina Vitangcol at De Vera.

Ibinunyag ni Rychtar na naganap ang tangkang pangingikil noon pang July 2012, at si De Vera pa aniya ang nakikipag-negosasyon sa ngalan ng dating MRT general manager.

Bukod dito, may kinakaharap na ring kasong graft si Vitangcol sa Sandiganbayan dahil naman sa hinihinalang pekeng pagbibigay ng $1.5 milyong maintenance contract sa isang kumpanyang na isa pala sa mga may-ari ay kaniyang uncle-in-law.

Una nang nagdesisyon si Morales na pagbawalan na si Vitangcol na magtrabaho sa anumang ahensya ng gobyerno matapos siyang mahatulang guilty sa dalawang counts ng grave misconduct, serious dishonesty at unlawful solicitation.

Dahil nakaalis na noon sa serbisyo si Vitangcol, pinagbabayad siya ng Ombudsman ng halagang katumbas ng isang taon niyang sahod para sa mga kasong administratibong kinaharap niya.

Tinanggalan na rin siya ng retirement benefits at pinawalang-bisa na rin ang kaniyang civil service eligibility.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.