Ilang senador hindi natuwa sa pagpayag ni Pangulong Duterte na mababang taripa sa imported pork
Hindi ikinatuwa ng ilang senador ang desisyon ni Pangulong Duterte na ibaba ang taripa ng mga imported pork products sa loob ng isang taon sa hangarin na masolusyonan ang kakulangan ng suplay ng baboy sa bansa.
Ang mga lokal na magbababoy agad ang naisip ni Senate President Vicente Sotto III gayundin ang mga senador na kontra sa rekomendasyon ng Department of Agriculture.
Ayon kay Sotto maaring itinaas na lang sana ang minimum access volume (MAV) para sa imported pork products at hindi ibinaba ang taripa.
Sinabi naman ni Sen. Cynthia Villar, ang namumuno sa Senate Committee on Agriculture, sa ginawa ng Malakanyang parang pinatay na ang lokal na industriya.
Nagpahayag naman ng kanyang labis na pagkadismaya si Sen. Risa Hontiveros sa naging desisyon ni Pangulong Duterte.
“Sa lagay na ito, parang tinalikuran at sinukuan na ang mga lokal nating magbababoy. Kailanman ay hindi maitatama ang mali ng isa pang pagkakamali. Hanggang kailan pa ba kailangang magsakripisyo at magtiis ng ating mga magbababoy at konsyumer bago pakinggan ang kanilang mga hinaing?” tanong nito.
Sa Lunes ay magkakaroon ng pagdinig ang Senate Committee of the Whole sa pagbubunyag ni Sen. Panfilo Lacson na ‘tongpats’ sa pag-angkat ng karne ng baboy.
Noong Marso 15, inaprubahan ng Senado ang resolusyon na humihiling kay Pangulong Duterte na ibasura ang nais ng DA na ibaba ang taripa at dagdag ang MAV sap ag-angkat ng pork products.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.