Legal assistance desks, itatayo sa mga presinto sa halalan

By Kathleen Betina Aenlle April 12, 2016 - 04:44 AM

 

 

Inquirer file photo

Nakipag-ugnayan na ang Commission on Elections (COMELEC) sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) at Philippine Association of Law Schools (PALS) para sa pagtatayo ng mga legal assistance desks sa mahigit 36,000 na presinto sa buong bansa.

Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, layunin ng pagtutulungang ito na tiyakin ang kredibilidad at pagiging tapat ng darating na halalan sa May 9, at para na rin sa pagpapabuti ng voting experience ng mga Pilipino.

Kahalintulad aniya nito ang pakikipag-ugnayan naman nila sa Department of Health (DOH) para sa pagtatayo naman ng mga health stations o medical assistance desks sa 2,000 presinto sa buong bansa.

Naniniwala kasi si Bautista na mahalagang may mga abogadong madaling malalapitan sa mismong araw ng halalan para matulungan ang mga botante sakaling mayroon silang katanungan, at para na rin magabayan sila sa paghahain ng reklamo sakaling kailanganin.

Karaniwan aniya sa mga kinakaharap na problema ng mga botante sa mismong araw ng eleksyon ay ang pagkakawala sa listahan.

Sa ilalim ng kasunduan, maglalagay ng isang legal assistance desk ang mga local chapters ng IBP sa bawat voting center sa May 9, na tatauhan ng hindi bababa sa isang abogado na tutulungan naman ng mga law students.

Kabilang sa mga ibibigay na tulong ng IBP at PALS ay ang pagsagot sa mga katanungan ng mga botante tungkol sa batas, at pagbibigay ng mga legal opinions kaugnay sa mga karapatan ng mga botante.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.