Hindi lamang ang mga low income families sa Maynila ang nakatanggap ng ayuda kundi maging ang mga tricycle driver.
Sa panayam ng Radyo Inquirer Online, sinabi ni Jean Joaquin, assistant head ng Manila Department of Social Welfare, mahigit 10,000 tricycle drivers na naapektuhan ng enhanced community quarantine ang makatatanggap ng tig-P4,000.
Galing aniya ang pondo sa P1.523 bilyong ayuda ng national government sa lokal na pamahalaan ng Maynila.
Sinabi naman ni Angel Llamas, pangulo ng Alvarez-Querecada Tricycle Operators and Drivers Association (Alquitoda) malaking tulong sa kanilang hanay ang ayuda dahil hindi sila makabiyahe o madalang ang pasahero.
Umiral muli ang ECQ sa Metro Manila at apat pang katabing probinsiya mula noong Marso 29 at napalawig ng isang linggo.