Pananagutan at hustisya para sa mga namatay sa COVID 19 inilalaban ni Sen. Leila de Lima
Iginiit ni Senator Leila de Lima na dapat may managot at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng libo-libong Filipino dahil sa COVID 19.
Babala pa niya darating din ang panahon ng paniningil ng sambayanan sa mga namumuno na nabigong bigyang kahalagahan ang buhay dahil sa mga kapabayaan sa pagharap sa pandemya.
“Nakakakilabot mabasa ang iba’t ibang kuwento ng mga kababayan nating hindi man lang nabigyan ng angkop na lunas dahil puno na ang mga ospital. Hindi sila basta numero. Totoong tao, totoong buhay, totoong pamilyang naulila at nagdurusa. At bawat araw, parami nang parami rin ang mga mahal sa buhay nating tinatamaan ng virus, at nalalagay sa peligro ang buhay,” sabi ng senadora.
Muli niyang tinuligsa ang kawalan ng sapat na kakayahan, pagpapabaya at palpak na pagtugon sa pandemya ng administrasyong-Duterte.
Sumbat niya kung naging mabilis lang ang naging pagkilos ng gobyerno at pinahalagahan ang buhay sa halip na ipagyabang ang magandang relasyon sa China maaring iba ang sitwasyon sa kasalukuyan.
“As usual, sa iba ibinunton ang sisi: Kasalanan ng lahat maliban sa gobyerno. Kasalanan daw ng variant kaya dumadami ang kaso. Kasalanan daw ng mamamayang pasaway na labas nang labas. Kasalanan daw ng mayayaman na bansang nagdadamot ng bakuna,” sabi pa ng senadora.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.