Cebu Rep. Gwen Garcia, nag-leave sa UNA upang suportahan si Duterte

By Kathleen Betina Aenlle April 12, 2016 - 04:42 AM

 

Inquirer file photo

Nagdesisyon na si Cebu 3rd District Rep. Gwendolyn Garcia na mag-leave muna sa United Nationalist Alliance (UNA) para suportahan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Matapos timbangin ang kaniyang mga pinagpipilian, mas napili niyang sumang-ayon sa una nang desisyon ng kaniyang lokal na partidong One Cebu at ng kaniyang pamilya.

Ayon kay Garcia, magli-leave of absence siya sa UNA dahil hindi naman niya maaring ibigay ang kaniyang buong suporta kay Duterte kung hindi niya ito gagawin.

Aminado naman siyang naging mahirap ang kaniyang desisyon, pero giit niya na wala naman nang iba pang dahilan ng kaniyang pag-leave of absence sa UNA.

Dati nang nanindigan si Garcia na maiiwan siya sa UNA kahit na kumalas na dito ang One Cebu na pinamumunuan ng kaniyang pamilya.

Nilinaw naman niya na hindi niya nililisan ang UNA, bagkus ito aniya ay leave of absence lamang na tatagal hanggang sa matapos na ang halalan.

Na-abisuhan na rin niya aniya si UNA President Navotas City Rep. Toby Tiangco tungkol sa kaniyang desisyon, at naintindihan naman aniya ito ng pinuno ng partido.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.