Pangulong Duterte masigla; mga kritiko pinatamaan ni Sen. Bong Go

SEN. BONG GO FACEBOOK PHOTO

Pasado hatinggabi kanina ay nag-post pa si Senator Christopher Go sa kanyang Facebook account ng mga larawan nila ni Pangulong Duterte para pabulaanan ang mga haka-haka na tinamaan ang huli ng COVID 19.

Sa mga larawan, makikita na nag-uusap ang dalawa sa isang kuwarto at magkaharap sila sa isang mesa na maraming dokumento sa ibabaw.

“Sa mga may masasamang hangarin, Wag muna kayo mag celebrate!! Nandito lang si Tatay Digong. Tambak ang trabaho,” ang social media post ng senador kasama ng mga larawan.

Sabi pa niya; “Hindi ito ang panahon ng pagsisisihan kundi panahon ng pagtutulungan.”

Inunahan na rin nito ang posibleng pagpuna sa kanyang suot na damit; “Suot ko damit kong dilaw pero DU30 yan!!!”

Kasunod nito ang kanyang apila sa lahat na tulungan na lang si Pangulong Duterte sa pagharap sa kasalukuyang krisis.

Umugong sa social media ang mga pagdududa na may sakit si Pangulong Duterte nang kanselahin na tuluyan kahapon ang kanyang ‘Talk to the People,’ na karaniwang ginagawa tuwing Lunes ng gabi.

Si Go na rin ang unang nagbunyag ng dahilan at aniya ito ay dahil marami na sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang tinatamaan ng COVID 19 kayat pinag-iingatan ang kalusugan ng Punong Ehekutibo.

Read more...