Humingi ng paumanhin si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa pagkakaalis ng ‘head of the family’ sa listahan ng mga tatanggap ng cash aid kaugnay sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Bubble plus.
Inamin ni Tiangco na nagkaroon ng pagkakamali sa pagsusumikap nilang ‘malinis’ ang listahan.
Tiniyak naman nito na inaayos na nila ang isyu para mabigyan din ng P1,000 ang tumatayong ‘head of the family.’
“Dahil po sa ating kagustuhan na maipamigay kaagad ang ayuda, nagkaroon po ng error sa filtering ng mga benepisaryo,” sabi nito.
Dagdag paliwanag niya; “halimbawa, nakalagay sa form na tatlo ang miyembro ng household. P2,000 lang ang nailagay sa kanilang payroll ngayon sa halip na P3,000.”
Tumanggap ang lungsod ng P119.871 million cash assistance mula sa pambansang gobyerno na ipamamahagi sa mga naapektuhan ng muling pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila at apat na katabing lalawigan.