Pamamahagi ng ayuda sa mga nasa ECQ areas pinamamadali

By Erwin Aguilon April 07, 2021 - 05:19 PM

Hinimok ng mga kongresista mula sa ACT-CIS Partylist na madaliin na ng pamamahagi ng ayuda sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine o ang NCR plus.

Ayon kina ACT-CIS Reps. Niña Taduran, Eric Go Yap at Jocelyn Tulfo, nakakabahala ang sitwasyon lalo ng mga mahihirap at mga manggagawang “no work-no pay” kaya marapat lamang na madaliin na ang pamimigay ng tulong pinansyal.

Pinuna ni Yap na dapat agarang maipamahagi ang ayuda dahil marami sa mga mahihirap na kababayan ang pinipiling makipagsapalaran at lumabas ng bahay para lang may ipangkain sa pamilya.

“Dahil sa pagkalam ng sikmura, nakikipagsapalaran ang iba nating kababayan na dumiskarte kaya’t lumalabas pa rin sila ng kanilang tahanan at nasusuway tuloy ang panuntunan sa ECQ,” aniya.

Sinabi naman ni Taduran na bukod sa pagkain ay problema rin ng mga ordinaryong mamamayan ang mga bayarin sa kuryente at ilaw.

“Marami sa ating mga kababayan sa NCR Plus ang arawan ang kita. Hindi kakain kung hindi kakayod sa bawat araw. Ngayong may paghihigpit dahil sa ECQ, nawalan ng katiyakan ang kanilang kakainin. Hindi pa nga kasama dyan yung iintindihin nila sa bawat buwan na pambayad sa kuryente at ilaw,” ayon kay Taduran.

Naniniwala naman si Tulfo na makukumbinsi lamang ang mga taong manatili sa tahanan ngayong ECQ kung maibibigay na agad sa lalong madaling panahon ang assistance.

Bukod sa ayuda ay hinimok rin ng mga kinatawan ang mga LGUs na mamigay rin ng health kit na naglalaman ng face mask, face shield, sanitizers, vitamins at supplements para pandagdag proteksyon laban sa COVID-19.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.