Dapat nang gayahin ng Pilipinas ang ilang kapitbahay na bansa na pumalag na sa pambu-bully ng China sa South China Sea.
Sinabi ni Sen. Francis Pangilinan, tulad ng Vietnam at Indonesia, dapat ay ipaglaban na rin ng Pilipinas ang pambansang interes.
Reaksyon ito ng senador sa pananatili ng mga sasakyang-pandagat ng China sa West Philippine Sea.
“Hindi tayo dapat pumayag na hawakan tayo sa leeg ng China. Hindi tayo dapat manatiling sunud-sunuran, tahimik, at walang imik, habang inaagaw na sa atin ang Julian Felipe Reef,” sabi pa ni Pangilinan.
Sinegundahan ni Pangilinan ang pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na dapat ay itigil na ng China ang ilegal na pag-aangkin sa malinaw na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Samantala, sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na hindi na pinapansin ng China ang inihahain na diplomatic protests laban sa kanila.
Aniya maaring makakabuti kung magkakaisa ang Pilipinas at ang mga kaalyadong bansa para mapanatili ang ‘balance of power’ sa West Philippine Sea.
Una nang nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maghahain ng diplomatic protest araw-araw hanggang sa makaalis na ang lahat ng sasakyang-pandagat ng China sa malinaw na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.