Mga magpapabakuna kontra COVID-19, isinasailalim muna sa swab test

Kuha ni Fritz Sales/Radyo Inquirer On-Line

Marami nang mga lugar sa bansa ang nagsasagawa ng COVID-19 vaccination.

Halos pare-pareho ang kanilang mga ginagawa bago makapagpabakuna ang kanilang mga kababayan.

Pero sa Lungsod ng San Jose del Monte sa Bulacan may idinagdag sa proseso.

Ito ay ang antigen test.

Ayon kay Mayor Arthur Robes ng San Jose del Monte, bahagi na rin ito ng kanilang mass testing na isinasagawa.

Nakapagbigay aniya si San Jose del Monte Rep. Rida Robes ng karagdagang pondo sa kanila kaya nakapagsasagawa sila ng antigen test.

Inisyal na 10,000 aniya ang kanilang nais ma-test.

Pagmamalaki ng alkalde, tapos na silang magbakuna sa medical frontliners sa lungsod at sinimulan na nila ang vaccination sa mga senior citizen.

Sa umpisa aniya ay marami ang nag-aalangan na magpabakuna dahil natatakot pero ngayon ay unti-unti nang natatanggap ng mga taga rito na kailangan nila na mabakunahan kontra sa COVID-19.

Sabi ni Robes, kapag may dumadating na bakuna sa kanila ay kanila itong itinuturok sa prayoridad na sektor.

Ang kanila aniyang lungsod ay naglaan din ng pondo upang maipambili ng bakuna kontra sa COVID-19.

Sinabi naman ni Dr. Jefel Joy Mangubat, City Health Physician ng San Jose del Monte, na bukod sa antigen swab ay kailangan munang makunan ng blood pressure ang nais magpabakuna.

Kapag mataas ito ay hininhintay munang bumaba o kaya naman ay ipinagpapaliban muna.

Mayroon din aniyang counseling bago mabakunahan ang isang indibidwal at matapos mabakunahan ay bibibyan ng vaccination card bago magpahinga ng 30 minuto hanggang isang oras upang ma-monitor ang epekto nito.

Sa ngayon naman aniya sa mga bakuna ng AstraZenica at Sinovac, wala namang naiulat sa kanila na matinding epekto.

Read more...