Kamara, handa sa special session sakaling hilingin ni Pangulong Duterte

Nakahanda ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na magpatawag ng special session upang talakayin at aprubahan ang panukalang P420 bilyong Bayanihan 3.

Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, pangunahing may-akda ng Bayanihan 3, nakahanda anumang oras ang Mababang Kapulungan na magsagawa ng special session sakaling ito ay ipapatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kasalukuyan ay inaaral pa ng Committee on Economic Affairs at Social Services ang Bayanihan 3.

Sinabi pa ni Velasco na sakali namang sertipikahang “urgent” ng Palasyo ang Bayanihan 3 ay agad silang tatalima dito para maaprubahan.

Nauna namang tiniyak ng Department of Finance (DOF) sa Kamara na ginagawa ang lahat ng paraan para makahanap ng pondo na mapaghuhugutan para sa Bayanihan 3.

Sa kabilang banda ay mailap naman ang economic managers sa Bayanihan 3 lalo pa kung mataas na ang tsansang luwagan ang community restrictions at unti-unti na ring bumabangon ang ekonomiya.

Ang pahayag ni Velasco ay kasunod na rin ng panghihimok ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Pangulong Duterte na magpatawag na ng special session para pagtibayin na ang panibagong stimulus package na aayuda sa mga pamilya at mga negosyong apektado ng pandemya.

Read more...