ASG leader Furuji Indama, kritikal sa Basilan encounter

By Jay Dones April 12, 2016 - 03:26 AM

 

 

Inquirer file photo

Sugatan at nasa kritikal na kondisyon na umano ang Abu Sayyaf leader na si Furuji Indama, kasunod ng encounter ng militar sa bandidong grupo na ikinasawi rin ng 18 sundalo sa Bgy. Baguindan, Tipo-tipo, Basilan noong Sabado.

Ayon kay Major Filemon Tan, tagapagsalita ng Western Mindanao Command, batay sa pinakahuling intelligence reports na kanilang nakalap, tinamaan ng bala si Indama  sa encounter  kung saan nasawi rin ang dayuhang terorista na si Mohammad Khattab.

Nasugatan din sa bakbakan ang anak ni Isnilon Hapilon na si Amah.

Kapwa may mga patong sa ulo ang mga ASG leader na sina Indama at Hapilon.

Paliwanag ni Brig. General Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, matagal nang planado ang opensiba ng 44th Infantry Battalion kontra sa Abu Sayyaf group sa Tipo-Tipo.

Gayunman, nagkataon aniyang nakabakbakan ng militar ang ASG sa lugar kung saan sila malakas kaya’t naging mataas ang bilang ng casualty sa panig ng militar.

Sa tindi aniya ng bakbakan, dumating sa punto na halos magkakaharap na ang mga sundalo at mga bandidong grupo.

Dahil sa bakbakan, dinoble na ng militar ang bilang ng kanilang puwersa sa Basilan upang ipagpatuloy ang pagtugis sa mga miyembro ng Abu Sayyaf.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.