Taxi driver hinahanting dahil sa pagnanakaw, panggagahasa ng mga babaeng pasahero

By Jay Dones April 12, 2016 - 04:30 AM

 

taxi-genericSubject ngayon ng manhunt operation ng Mandaluyong police ang isang taxi driver na inirereklamo ng hindi bababa sa limang babaeng biktima na pinagnakawan nito.

Bukod sa panghoholdap, isa pa sa mga biktimang babae ang diumano’y ginahasa pa ng suspek.

Ayon kay Sr. Insp. Joaquin Alva, hepe ng Mandaluyong City police, pinakahuling biktima ng suspek na nakilala sa pangalang Ricky Ramos  ang isang 22-anyos na babae na sumakay sa taxi na minamaneho ng suspek sa bahagi ng Barangay Highway Hills, dakong alas-4:00 ng umaga.

Sa reklamo ng complainant, kanyang pinara ang taxi ni Ramos na may plakang AAP-7886 sa bahagi ng Pines St., at magpapahatid sana sa Makati City noong March 19.

Nang sumapit sa kanto ng Madison at Union St., dito na hinoldap ng suspek ang biktima.

Tila hindi pa nakuntento, sapilitan pang ginahasa ng suspek ang ginang bago tumakas.

Narekober na lamang ng mga pulis ang inabandonang taxi ng suspek sa lungsod ng Makati.

Ayon sa record ng pulisya, napag-alaman na may kinakaharap na mga kaso ng robbery ang suspek sa Maynila at Makati.

Noong January 19, hinoldap rin ng suspek ang mga biktimang sina Kristine dela Cruz at Kristine Quiros sa Highway Hills, Mandaluyong City at tinangay ang mga mamahaling gamit ng mga ito dakong ala 1:40 ng umaga.

February 19 naman, si Ramos din ang suspek sa panghoholdap sa biktimang si Shiary Mae Berdin sa harap ng isang mall sa EDSA-Mandaluyong dakong alas 2:40 ng madaling-araw.

Sa pamamagitan ng rogue gallery, nakilala ng mga biktima ang suspek.

Inaalam din ng mga otoridad kung may kinalaman ang petsang ‘19’ sa pambibiktima ng suspek dahil karaniwan itong sumasalakay sa tuwing a-19 ng bawat buwan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.