“Tuwid na daan” bilang nickname nina Roxas at Robredo binatikos

Daang Ballot
contributed photo / twitter

Binalaan ng isang dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang poll body na puwede silang makasuhan dahil sa paglalagay ng administration slogan na “tuwid na daan” bilang alias nina Mar Roxas at Congresswoman Leni Robredo.

Sinabi ni dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na hindi pwedeng gamitin ang pondo ng pamahalaan para sa kandidatura ng isang pulitiko kahit na ito pa ang manok ng administrasyon.

Nilinaw din ni Larrazabal na ang “tuwid na daan” ay slogan ng kasalukuyang administrasyon at hindi ito dapat ilagay sa balota dahil tanging mga nicknames o aliases lamang ang siyang pinapayagan ng Omnibus Election Code (OEC).

Nauna nang inireklamo ng ilang botante sa Singapore na napansin nila na  nasa ilalim ng mga pangalan nina Roxas at Robredo ang mga salitang “tuwid na daan” na ginamit bilang mga nicknames ng naturang mga kandidato.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na kahit sa mga billboards o iba pang mga campaign materials ay hindi dapat gamitin ang slogan ng pamahalaan para kina Roxas at Robredo.

Si Larrazabal ay siyang kasalukuyang legal counsel ng Nationalist People’s Coalition na kinaaaniban nina Sen. Grace Poe at Chiz Escudero.

Read more...