Gobyerno, pinayuhang maghinay-hinay sa paggamit ng rapid antigen testing
Pinayuhan ni Iloilo Rep. Janette Garin ang pamahalaan na maghinay-hinay sa paggamit ng Rapid Antigen testing para mapaigting ang COVID-19 screening sa NCR plus.
Ayon kay Garin, ang Rapid Antigen testing ay pangunahing ginagamit lamang dapat sa symptomatic patients o mga pasyente na nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.
Paliwanag nito, ang Rapid Antigen testing ay ginagamit para malaman ng doktor kung ang pasyenteng nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 ay positibo o negatibo sa SARS CoV2.
Nababahala ang kongresista dahil nauuso ang antigen testing dahil mabilis pero hindi dapat maging kampante sa resulta.
Dagdag na paliwanag ni Garin, sakali kasing asymptomatic o hindi nagpapakita ng sintomas ang pasyenteng positibo sa COVID-19 at nag-negatibo sa Rapid Antigen Testing, kakailanganin pa ring sumailalim ito sa RT-PCR test dahil ang rapid antigen ay may false negative rate ng 40 porsyento.
Binigyang diin pa ng mambabatas na ang RT-PCR Test pa rin ang gold standard pagdating sa COVID-19 testing.
Pahayag ito ng kongresita matapos ihayag ng Department of Health (DOH) na gagamitin ang Rapid Antigen testing para idagdag sa RT-PCR testing sa NCR plus na binubuo ng Metro Manila, at mga probinsya ng Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.