Hindi pa makababalik sa normal na operasyon ang mga tren ng bansa kabilang ang MRT 3, LRT 1 at 2 bukas, araw ng Lunes kasunod ng testing sa mga tauhan nito para sa COVID-19.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade, ito ay upang matiyak ang kalusugan ng kanilang mga tauhan at ng mga sumasakay sa mga tren.
“We should not compromise the health, safety, and security of the traveling public and our working people. That is a non-negotiable position,” saad ni Tugade.
Sinabi ng pamunuan ng MRT-3 na limitado lamang ang kanilang byahe kung saan nasa 10 hanggang 12 tren lamang ang magagamit sa operasyon.
372 lamang sabi ng MRT 3 ang maaring sumakay na pasahero.
Gayunman, ang mga apektado ay maaring sumakay sa mga bus na bumabyahe sa EDSA Carousel.
Ang LRT-2 naman ay limang tren lamang ang makakabyahe habang 17 tren lamang ang magagamit sa LRT 1 at ang mga pasahero na apektado ay maaring sumakay sa mga bus.
Samantala, inanunsyo naman ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) na suspendido pa ang kanilang byahe hanggang Huwebes, April 8, 2021.
Sa pagbabalik naman ng kanila byahe sa Biyernes, April 9, 2021 ay 10 hanggang 12 tren lamang nito ang makakabyahe.
Ipinag-utos naman ni Tugade sa kanilang mga empleyado na nasa road sector na ang mga naghihintay ng resulta ng test at kailangang manatili sa isolation center dahil ikinukunsidera nila itong active COVID-19 case.
Patuloy naman ang gagawing pagdedeploy ng DOTr ng mga public utility vehicles(PUV) upang mapagliingkuran ang mga apektadong pasahero.
Tuloy din sabi ni Tugade ang Libreng Sakay para sa mga Health workers, Medical Frontliners at Authorized Persons Outside of their Residences (APOR) sa ilalim ng Service Contracting Program ng LTFRB .