Bahagyang bumaba ang aktibidad ng Bulkang Taal sa nakalipas na 24 na oras.
Ayon sa Phivolcs, nakapagtala sila ng 40 na volcanic earthquakes kabilang ang 11 na volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang 16 na minute
Bukod dito, mayroon ding 29 na low frequency volcanic earthquakes.
Mayroon din namonitor na mahinang pagsingaw sa bulkan na may taas na 20 metro mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa main crater.
Nakapagtala naman ng Phivolcs ng 1,216 na toneladang pagbuga ng sulfur dioxide kada araw kahapon, April 3.
Nasa 71.8 degrees Celsius na init sa main crater ng Bulkang Taal.
Nagpapatuloy pa rin naman ang pamamaga ng bulkan na nagsimula sa pagsabog nito noong Enero ng nakalipas na taon.
Dahil dito, sinabi ng ahensya na nagpapakita lamang ang kanilang mga obserbasyon na patuloy ang paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan.
Pinaaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na sa ilalim ng Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa volcano island na idineklara ng Permanent Danger Zone.
Pinaiiwas din ng Phivolcs ang mga piloto na lumipad malapit sa bulkan dahil sa pinangangambahang pagsabog nito na maaring magdulot ng pinsala sa anumang sasakyang panghimpapawid.