Pinawi ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang pangamba ng stakeholders sa Freeport sa bagong mega isolation facility sa dating Cubi Hospital complex na baka mas maraming residente at empleyado ang ma-expose sa COVID-19.
Ang bagong pasilidad sa bahagi ng Ilanin Forest East sa Subic ay mayroong 500 bed capacity.
Ipinagtanggol ni SBMA Chairman at Administrator Wilma Eisma ang naturang proyekto at sinabing masisiguro ang kaligtasan ng lahat sa remote location ng pasilidad at istriktong health protocols sa Subic.
“The number one assurance we can give them is this location, which is so far away from everybody else,” pahayag ni Eisma at aniya pa, “I would like to emphasize that this hospital is in a fenced and gated compound and that it is virtually a self-contained community.”
Tiniyak aniyang gagawin ng Office of the Civil Defense (OCD) ang lahat ng hakbang upang masigurong naka-confine ang mga tao sa pasilidad.
Kung may kailangan man aniyang lumabas, mahigpit itong babantayan.
Iginiit pa nito na isa ang Subic sa mga lugar na may pinakamababang kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa mahigpit na pagsunod sa health protocols sa kabila ng pagkakaroon ng COVID-19 hospital, isolation facilities, at swabbing at testing centers sa Freeport.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit napili ang Subic bilang international crew-change hub at popular na destinasyon para sa event na may “bubble” set-up.
“With what we have learned from the past and what we continue to learn, I can guarantee the community of Subic that we will do everything to make sure that not only is this place contained, but that this place will also service the needs of the community when the need arises,” saad pa nito.
Aniya pa, “Initially, the plan is that only mild and asymptomatic patients will be brought here until the emergency room and the intensive care unit inside the facility will be up and running.”
Nauna nang sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Deputy Chief Implementer at testing czar Vince Dizon na maaaring ma-accommodate ng bagong quarantine facility ang mga asymptomatic o mildly symptomatic COVID-19 patients upang mas mabigyan ng atensyon ng mga ospital ang may medium hanggang severe symptoms.
Inaasahang matatapos ang mega isolation facility sa buwan ng Abril.
Oras na maging handa ang pasilidad, patatakbuhin ng DOH ang operasyon at tututukan naman ng OCD ang security at logistics.