Nagpapasaklolo na ang One Hospital Command Center sa Department of Health dahil sa pagdagsa ng tawag ng mga passyenteng nangangailangan ng mapupuntahang ospital para magpagamot sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, head ng One Hospital Command Center, sa ngayon ay ‘very basic’ ang set up ng kanyang tanggapan at hindi kayang tugunan ang sangkaterbang tawag.
Puro donasyon aniya na mga cellphone at linya ng PLDT ang hawak ng One Hospital Command Center kung kaya limitado lamang ang bilang ng mga tawag ng publiko na kanilang natatanggap.
Nagkaroon naman aniya ng konting improvement nitong nakalipas na ilang buwan dahil nadagdagan sila ng linya ng telepono subalit hindi na naman kinakaya ngayon dahil sa sobrang dami ng mga tawag na pawang mga nagnanais na makahanap ng ospital na mapupuntahan.
Sinabi pa ni Vega na dati ay nasa 110 ang karaniwang tawag na natatanggap ng kanilang hanay kada araw.
Pero sa mga nakalipas na araw, umakyat aniya sa halos 400 na tawag kada araw ang kanilang natatanggap.
Dahil dito, umaapela si Vega sa DOH na tugunan ang problema dahil kailangan na talaga nila ng sophisticated system na pwedeng mag-transfer ng mga tawag.
Kakailanganin kasi rito ang pondo para makapagsara ng kontrata ang DOH sa telecommunications company para sa mas maraming linya ng telepono o sistemang kayang makasagot sa bawat tawag.