Mga dayuhang seafarer na may valid visas, pwedeng pumasok ng bansa

By Angellic Jordan March 31, 2021 - 07:41 PM

Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na pinapayagang makapasok ng Pilipinas ang mga dayuhang seafarer na may valid 9(c) visas.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, base sa huling abiso ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), pwedeng pumasok ang mga dayuhang seafarer sa pamamagitan ng paliparan at pantalan.

Dadaan aniya ang mga seafarer sa crew change sa green lanes ng bansa.

Ayon naman kay BI Bay Service Section Chief Alnazib Decampong, inilunsad ng gobyerno ang green lanes upang mai-promote ang Pilipinas bilang hub para sa crew change ng international maritime vessels at mapadali ang galaw ng mga marino sa rehiyon sa panahon ng pandemya.

Mayroong crew change hubs sa Maynila, Bataan, Batangas, Subic, Cebu, at Davao.

“The entry of foreign seafarers that will undergo crew change is essential in keeping the maritime industry afloat,” pahayag ni Decampong at dagdag pa nito, “They are much-needed manpower especially in cargo vessels that transport goods in and out of the country.”

Sa ngayon, tanging mga Filipino, kanilang mga magulang, asawa at anak na kasama nilang bumiyahe ang pinapayagang makapasok ng Pilipinas, ngunit, kailangan mayroon itong valid visa sa oras ng pagpasok ng bansa.

Pwede ring makapasok ng bansa ang mga diplomat, miyembro ng international organizations, at kanilang dependents na may valid 9(e) visa o 47(a)2 visa.

Maaari ring makapasok ang mga dayuhan na pupunta ng bansa para sa emergency at humanitarian cases basta’t aprubado ito ng chairperson ng NTF COVID-19 o kaniyang awtorisadong representante.

Pwede ring makapasok ang mga dayuhang kasama sa medical repatriation na inendorso ng Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA – OUMWA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kalakip ang valid visa sa oras ng pagpasok sa bansa.

TAGS: BI, foreign seafarers, Inquirer News, Jaime Morente, Radyo Inquirer news, BI, foreign seafarers, Inquirer News, Jaime Morente, Radyo Inquirer news

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.