Iginiit ng Department of Health (DOH) na wala pang positibong resulta sa mga taong isinalang sa clinical trial para sa Ivermectin bilang gamot sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergerie, mayroong grupo ng mga eksperto na nag-aral sa Ivermectin para sa COVID-19.
Kung saan kabilang dito ang mga kinatawan mula sa DOH at Food and Drugs Administration (FDA).
Paliwanag nito, kailangang dumaan sa scientific process upang matiyak na ligtas at epektibo ang gamot.
Gayunman, sinabi ni Vergerie na bukas ang DOH sa mga nagsusulong ng paggamit ng Ivermectin para makapagsagawa ng clinical trail upang mabatid kung marapat lamang ang nasabing gamot para sa COVID-19.
Paalala naman ng health official sa mga tao na gumagamit ng Ivermectin na huwag silang magkaroon ng false hope na hindi na tatamaan ng COVID-19.
Posible aniyang mayroong ibang factor kaya nasabi na gumaling sila matapos makainum ng nasabing gamot na rehistrado hindi para sa mga tao kung panggamot sa mga hayop tulad ng baboy at kabayo.
Samantala, ipinauubaya na ng DOH sa FDA ang maaring legal na hakbang laban kay Dr. Allan Landrito, isa sa nagsusulong sa paggamit ng Ivermectin.
Ito ay matapos ihayag ng doctor sa pagdinig ng Kamara na gumawa sya sa sarili ng nasabing gamot at nagbenta ng libu-libong bote sa iba’t ibang panig ng bansa.