“Failure leader si PNoy”-Binay

By Dona Dominguez-Cargullo April 11, 2016 - 11:48 AM

Inquirer File Photo
Inquirer File Photo

Tinawag ni United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay na “failure leader” si Pangulong Benigno Aquino III.

Sa panayam sa Radyo Inquirer, tinanong si Binay kung ano ang assessment niya sa naging pamumuno ni PNoy sa bansa sa loob ng anim na taon sa pwesto.

Ayon kay Binay, para sa kaniya si Pangulong Aquino ay “failure” bilang isang lider ng bansa at wala itong halos naitulong para maiangat ang buhay ng mga Pilipino.

Inamin din ng bise presidente na matagal na niyang napansin na may mali sa pamamaraan ng pamumuno sa bansa ni PNoy pero kinimkim niya lamang ito dahil siya ay isang ‘team player’. “He (PNoy) was a failure as a leader, wala siyang halos naitulong para maiangat ang buhay ng bawat Pilipino. Kinikimkim ko ho ‘yon, kasi team player ako eh,” ani Binay.

Bagaman hindi pinalawig, sinabi rin ni Binay na alam niya ang totoo tungkol kay Pangulong Aquino. “Sa mga pangyayari, (napatunayan ko) na totoo ang aking nalalaman kung sino si Noynoy,” ani Binay.

Hindi naman na pinalawig ni Binay ang pahayag, pero reaksyon niya ito sa sinabi ni Pangulong Aquino na si VP Binay ay malaki ang pinagbago at hindi na ang parehong Binay na nakilala niya 30 taon ang nakararaan.

Paliwanag ng bise presidente, masyadong ‘general’ ang statement ng pangulo kaya ‘general statement’ din ang maibibigay niyang reaksyon. “Nag-iba na ba si Jojo Binay? Pwede rin namang lalong umitim si Jojo dahil sa ‘Nognog’ ako. Ano ba ang pinagbago sa pagtantiya ng presidente sa akin? Nasa pag-uugali ba, (dahil) ngayon binabatikos ko siya? Walang personalan sa batikos,” ayon kay Binay.

Sa kabila nito, sinabi ni Binay na sakaling manalo siya bilang pangulo ng bansa ay wala siyang balak na isulong ang pagsasampa ng kaso laban kay PNoy.

Nais umano niyang makilala ang kaniyang administrasyon bilang “healing at unifying administration”.

Pero sinabi din ni Binay na hindi siya makikipagbati sa mga nakaaway niya at nag-akusa sa kaniya dahil ayaw niyang maging ‘plastik’.

Nang kumustahin ang relasyon nila ni Pangulong Aquino, sinabi ni Binay na ‘nagbabatian naman sila kapag nagkikita’.

 

TAGS: Binay calls Pnoy a failure leader, Binay calls Pnoy a failure leader

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.