Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area na nasa Southern boundary ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, huling namataan ang LPA sa layong 210 kilometers Timog-Silangan ng General Santos City bandang 3:00 ng hapon.
Kikilos aniya pataas-baba ang LPA sa Southern boundary ng PAR.
Ngunit, ani Rojas, posibleng malusaw ang LPA sa susunod na 48 oras.
Magdudulot aniya ang trough ng LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Eastern at Central Visayas, at maging sa buong Mindanao.
Kung minsan, posibleng may kalakasan ang buhos ng ulan kung kaya’t pinag-iingat ang mga residente sa nabanggit na lugar dahil sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa.
Samantala, Easterlies pa rin ang nakakaapekto sa malaking bahagi ng bansa.
Dahil dito, mananatili ang mainit at maalinsangang panahon sa buong Luzon at malaking bahagi ng Visayas.