Ivermectin na gamot sa hayop, hindi kasama sa ginagamit ng DOH sa COVID-19 patients
Iginiit ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na hindi kasama ang Ivermectin sa treatment protocol ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Domingo na nakababahala dahil may mga report na nakakarating sa kanila na ginagamit ang Ivermectin na para sa hayop na gamot para sa mga nagkakasakit ng COVID-19.
Paliwanag nito, nagpalabas na ang FDA ng advisory na hindi dapat gamitin ang mga produkto o mga gamot na inaprubahan para lamang sa mga hayop.
Sinabi ni Domingo na mayroong Ivermectin na para sa tao na ginagamit sa ibang bansa wala naman silang natatanggap na aplikasyon para sa registration o compassionate special permit o clinical trial sa nasabing gamut dito sa Pilipinas.
Dalawang magkahiwalay na resolusyon ang nakahain sa Kamara na nananawagan ng imbestigasyon “in aid of legislation” para silipin kung bakit hindi pa rin pinapayagan ang naturang gamot sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.