Ayon sa Provincial Government ng Batanes, dalawang 49-anyos na babae ang nagpositibo sa nakakahawang sakit matapos sumailalim sa RT-PCR test noong Lunes, March 29, 2021.
Ang isang kaso ay residente ng Basco habang ang isa ay residente ng Sabtang.
Kapwa dumating ang dalawa noong March 20, 2021 lulan ng Philippine Airlines (PAL) flight at close contact sila ng ika-pitong COVID-19 case sa lalawigan.
Pareho namang asymptomatic ang dalawa.
Naka-isolate ang isang kaso sa Batanes Resort Isolation Facility habang ang isa pa ay nasa Sabtang Quarantine Facility.
Ito na ang ika-walo at ika-siyam na COVID-19 cases sa Batanes.
Sa siyam na kaso ng COVID-19 sa naturang probinsya, anim ang aktibo pa habang tatlo ang gumaling na.
Tiniyak naman ng Provincial Government ng Batanes na walang dapat ipangamba ang publiko dahil mahigpit na ipinatutupad ang quarantine at isolation protocols sa mga COVID-19 patient at mga dumating na indibidwal sa probinsya.
“Dahil dito, walang exposure sa ating pamayanan at walang masasabing community transmission,” saad pa nito.
Gayunman, paalala nito, patuloy pa ring sundin ang minimum public health standards.