Nailigtas ng mga otoridad ang isang 7 taong gulang na batang babae matapos i-hostage ng isang lalaki sa Barangay Pinyahan sa Quezon City kagabi.
Ang 7 taong gulang na bata ay hinostage ng naarestong suspek na kinilalang si Arnulfo Recto, 38-anyos at residente ng Everlasting Street, Quezon City.
Ayon kay Quezon City police District (QCPD) Station 10 Commander PSupt. Pedro Sachez, pasado alas 10:00 kagabi nang mangyari ang hostage taking sa bahay ng biktima sa isang compound sa NIA Road.
Agad na nagpadala ng mga tauhan ang QCPD Station 10 sa lugar upang makipagnegosasyon sa suspek sa tulong ng ina ng biktima.
Nang hindi madaan sa pakiusapan, dito na pwersahang pinasok ng mga pulis ang bahay upang sagipin ang biktima.
Nakuha naman ang bata pero nasugatan sa mukha ang suspek matapos manlaban sa mga umarestong pulis.
Nagkaroon pa tensyon sa lugar matapos tangkaing kuyugin ng mga residente ang suspek habang inilalabas ng mga pulis sa compound para dalhin sa ospital.
Ayon kay Sanchez, posibleng nasa implusensiya ng ipinagbabawal na gamot ang suspek nang mangyari ang hostage taking.
Ginagamot pa sa East Avenue Medical Center ang suspek na nahaharap sa patung-patong na kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.