Hinimok ni Senator Leila de Lima ang Senate Committee on Environment, Natural Resources at Climate Change na imbestigahan ang Cagayan Offshore Magnetite Mining project.
Sa paghahain ni de Lima ng Senate Resolution No. 687, sinabi na may mga ulat na ukol sa negatibong epekto sa kapaligiran ng naturang proyekto.
Bukod pa aniya sa epekto sa mga lokal na komunidad sa lalawigan.
Diin ng senadora obligasyon ng gobyerno na protektahan ang buhay at kabuhayan ng mamamayan sa mga pinapasok na transaksyon at kontrata.
“Swift and effective intervention must therefore be conducted to ensure the protection of the environment and the safety of our countrymen,” dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.
Nabatid na ang proyekto na isasagawa ng JDVC Resources Corp., ang kauna-unahang large-scale offshore mining sa bansa.
Tinututulan ito ng ilang environmental groups dahil sa pangamba na makakasira ito sa yamang-dagat.
Makatuwiran lang, ayon pa rin kay de Lima, na mangamba ang mga taga-Cagayan dahil sariwa pa sa kanila ang pananalasa ng malawakang pagbaha noong nakaraang Nobyembre na ang sanhi ay itinuturo sa pagkawasak ng mga likas na yaman.