Problema sa mental health ng publiko dapat tugunan ng gobyerno
Pinatutugunan ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda sa pamahalaan ang psychosocial health ng mga Filipino kasunod ng pagpapatupad muli ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital region (NCR) at mga kalapit na lugar.
Ayon kay Salceda, ang kawalan ng kasiguraduhan sa COVID-19 at ang ipinapatupad na mahigpit na quarantine restrictions ay may epekto sa mental health ng publiko.
Dapat aniyang i-convene ng pamahalaan ang media, private sector at mental health care sector para maglatag ng nararapat at coordinated response para maibigay ang mental health needs sa kasagsagan ng pandemya.
Upang agad na mabigyang atensyon ang mental health ng mga Filipino ay pinakikilos din ang gobyerno para sa pagkakaroon ng telemedicine facilities na tutugon din sa non-hospitalized COVID-19 cases at non-COVID cases.
Paliwanag ng mambabatas, ang pagkakaroon ng remote facilities ay mahalaga nang sa gayon ay mailaan sa mga severe o malalang COVID-19 cases ang capacity na natitira sa mga ospital.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas sa 25.7% ang suicide incidents noong 2020 kumpara sa mga nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.