Pagdinig ukol sa paggamit ng gamot na Ivermectin isasagawa ng Kamara
Magsasagawa ngayong araw ng pagdinig ang House Committee on Health upang linawin ang usapin kaugnay sa paggamit ng gamot na Ivermectin.
Kasama sa pulong ang mga kinatawan ng Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force (IATF), Food and Drug Administration (FDA) at mga health experts.
Dumarami na kasi ang panawagan ng ilang mga kongresista at doktor para sa pagpapahintulot na gamitin ang Ivermectin na gamot sa COVID-19.
Dalawang magkahiwalay na resolusyon na inakda nina 1PACMAN Rep. Eric Pineda at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang nananawagan ng imbestigasyon “in aid of legislation” para silipin kung bakit hindi pa rin pinapayagan ang naturang gamot sa bansa.
Ito ay sa kabila ng pahayag ni FDA Director General Eric Domingo na ang gamot na Ivermectin ay para lamang sa mga hayop.
Maliban sa nasabing gamot ay tatalakayin din ng komite ang estado ng health system sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases, gayundin ang vaccine roll-out at medicine supply sa gitna ng pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.