‘Inasahan ko na ang mga pag-atake dahil nangunguna ako sa pagka-VP’ -Marcos.
Ipinagkibit-balikat lamang ni vice presidential candidate Sen. Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang tinanggap nitong pambabatikos at mga ‘boo’ sa kasagsagan ng vice presidential debate kahapon.
Simula sa unang bahagi pa lamang ng debate, ilang mga grupo na ang biglang tumayo at nagsisigaw ng mga komento ukol sa Martial Law sa loob ng UST quadri-centennial hall ng UST kung saan ginanap ang debate.
Bukod dito, tumanggap din ng mga kantyaw si Marcos mula sa kampo ng iba pang mga vice presidential candidates nang matanong sa usapin ng corruption.
Ayon kay Senador Marcos, kanya nang inaasahan ang naturang ‘bashing’ dahil siya ang nangunguna sa mga vice presidential survey kasabay si Sen. Francis Escudero.
Pabiro pang sinabi ng senador na siya ay nagpapasalamat dahil sa atensyon na kanyang tinanggap.
Giit pa nito, bahagi lamang ng pamumulitika at pangangampanya ng ginawang pagtutuon sa isyu ng ill-gotten wealth sa halip na pag-usapan ang mga plataporma sa debate.
“Ang tanong sa atin ng taumbayan ang hindi kung sino ang mas malakas sumigaw o kung sino man ang mas bastos kung hindi kung sino man ang may mas maganda program sa ating lahat,” paliwanag ni Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.