Ayon kay Abante, dapat lamang na maisama sa priority list ang barangay officials, workers at mga tanod sa vaccination program dahil madalas na lantad ang mga ito sa COVID-19.
Mula sa simula aniya ng pandemya ay naging katuwang ng gobyerno ang barangay frontliners sa pamamahagi ng tulong, pagbabantay sa COVID-19 cases sa mga komunidad, pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak na nasusunod ang mga ipinapatupad na health protocols.
Tinukoy ni Abante na sa oras na umpisahan na ang pagbabakuna sa publiko ay tiyak na kakailanganin din ang tulong ng barangay workers kaya marapat lamang na maisama sila sa mga prayoridad na mabakunahan bukod pa sa mga barangay health personnel.
Nakatanggap ng ulat ang kongresista sa kanyang distrito na ilang barangay officials na ang nagkasakit ng COVID-19 habang tinutupad ang kanilang trabaho habang may ilang pumanaw dahil sa sakit.