P12-M halaga ng Chinese drug at kontrabando, nasamsam sa Mandaluyong at Parañaque

Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang P12 milyong halaga ng mga ilegal na produkto sa ikinasang simultaneous operation noong March 25, 2021.

Sanib-pwersa sa operasyon ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) ng Manila International Container Port (MICP), katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI).

Armado ng Letters of Authority (LOA) na pirmado ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, nag-inspeksyon ang mga operatiba ng ahensya at PCG sa dalawang target facilities.

Nadiskubre sa unang storage facility sa Mandaluyong ang iba’t ibang Chinese cigarettes at gamot na may tatak na “Linhua Qingwen Jiaonang” at iba pa.

Tinatayang aabot sa P5 milyon ang halaga ng mga kontrabando.

Nadiskubre rin ng mga awtoridad ang isang makeshift clinic sa nasabing lugar kung saan hinihinalang naggagamot ng mga pasyente na posibleng apektado ng COVID-19.

May nakuha pang dalawang intravenous sets sa pasilidad.

Nasabat naman ng hiwalay na team ng BOC at NBI-SAU ang ikalawang storage facility sa Parañaque.

Nakita rito ang ilang Chinese cigarettes, face masks, face shields, at gamot na may tatak na “Linhua Qingwen Jiaonang.”

Aabot sa P7 milyon ang estimated market value ng mga nakumpiskang ilegal na produkto.

Agad dinala ang mga kontrabando sa Bureau of Customs Facility para sa mas masusing imbestigasyon at inventory dahil sa posibleng paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Intellectual Property Laws of the Philippines.

Read more...