Mga nanood sa laban ni Pacquiao, nabawasan

 

Kuha ni Rem Zamora/Inquirer

Mas maliit ang bilang ng mga taong sumubaybay sa pangatlong laban nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley Jr., na huling laban na rin ni Pambansang Kamao.

Sa gymnasium lamang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Guadalupe, Makati City, mas kakaunti ang mga empleyadong nanood ng live streaming na laban mula sa Las Vegas, Nevada.

Gayunman, isa sa mga empleyado rin ng MMDA na si Ronald Molina ang nagsabi na hindi ang dami ng nanood ng laban ang basehan ng popularidad ni Pacquiao sa mga Pinoy.

Aniya, dapat manatili sa isipan ng mga mamamayan na si People’s Champ ang isa sa iilang mga Pilipinong nag-uwi ng karangalan sa ating bansa.

Paliwanag naman ng MMDA Payroll Unit Head na si Lynette Vale, hindi ito senyales ng pagka-laos ni Pacquiao, kundi dahil huli na nilang nai-anunsyo sa mga empleyado ang tungkol sa live viewing sa kanilang headquarters.

Dati kasing hitik sa mga taga-suporta ni Pacquiao ang gymnasium na iyon tulad na lamang nang makalaban niya si Floyd Mayweather Jr. Ang huling laban ni Pacquiao na ito ay itinuturing na pinakamaganda sa trilogy ng kanilang laban ni Bradley, kung saan dalawang beses pinatumba ni People’s Champ ang kalaban.

Nanalo si Pacquiao via unanimous decision sa iskor na 116-110.

Read more...