Halos dalawang linggo matapos madiskubre na taglay niya ang 2019 coronavirus, sumakabilang buhay si Famy, Laguna Mayor Edwin Pangilinan kahapon sa Global Hospital.
Nagpahatid na ng mensahe ng pakikiramay si Laguna Gov. Ramil Hernandez sa mga naulila ng 53-anyos na alkalde.
“Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ay nagpapaabot ng taos pusong pakikiramay sa pagpanaw ni Mayor Edwin Pangilinan ng Famy. Kaisa po ang inyong lingkod sa pakikidalamhati sa pamilya, mga naulila, at mamamayan ng Famy sa pagkawala ng ating butihing Mayor. Rest in Peace, Mayor Edwin Pangilinan,” ang mensahe ni Hernandez.
Agad na rin na-cremate ang mga labi ni Pangilinan at ang mga abo nito ay nasa kanilang bahay na sa Barangay Asana.
Ilan naman na sa naging ‘close contacts’ ng alkalde ay nabigyan ng ng clearance ng local health unit.
Ikikunsidera ang ‘public viewing’ sa mga abo ng namayapang alkalde sa Liwasang Constancio Valsadera sa nabanggit na bayan.
Ang ina ni Pangilinan ay una nang namayapa dahil sa COVID 19.