Pagpapalakas at pagpaparami sa mga warship ng bansa, iginiit
Hinikayat ni House Committee on Strategic Intelligence chair at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang Department of National Defense o DND na dagdagan at palakasin pa ang mga warships ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Pimentel, mainam kung gawing mas maaga ng DND ng tatlong taon ang pagbili ng 16 na barkong pandigma.
Sinabi nito na ang 16 na warships ay naka-linya na para sa procurement, bukod pa sa BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna na kasalukuyang ginagamit na ng Philippine Navy.
Ang Kongreso naman anya ay kailangang maglaan din ng pondo para rito mula sa mga taong 2022 hanggang 2025, kasabay ng modernization program.
Giit ng mambabatas, ang pinaka-malaking banta sa karapatan sa soberenya ng bansa ay sa “strategic waters”, kaya nararapat na gawing-prayoridad ang pagpapalakas ng ating naval fleet.
Maliban sa malakas na diplomasya, sinabi ni Pimentel na kailangan ding maipakita ng Pilipinas na mayroon tayong warships; at handa na protektahan at igiit ang mga karapatan sa mga teritoryo ng ating bansa.
Pahayag ito ng mambabata kasunod ng pagdagsa ng mga barko ng China sa Julian Felipe reef na sakop ng West Philippine Sea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.