Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang lokal ng San Jose Del Monte City sa Bulacan sa national government at ilang mga pharmaceutical company upang pumasok sa tripartite agreements sa pagbili ng COVID-19 vaccine para sa kanilang mga residente.
Ayon kay San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes, inihahanda na niya ang liham at iba pang mga dokumento na kailangan sa tripartite agreement.
Mayroon anyang P100M budget ang lokal na pamahalaan ng san Jose del Monte upang pambili ng bakuna para sa 100,000 na mga residente.
Sa ngayon ay nakikipag-usap na sila sa sa mga vaccine manufacturers ng Sputnik V, Astra Zeneca at Sinovac.
“We want to give our residents what’s available the soonest possible time. I will personally see to it that we administer the vaccines to our frontliners, senior citizens and indigents the earliest time possible so that we can move forward from this pandemic,” saad ni Robes.
Sa ilalim ng guidelines ng pamahalaang nasyunal, ang mga local government unit na bibili ng bakuna ay kailangang lumagda sa tripartite agreement sa National Task Force Against COVID-19 (NTF), Department of Health at sa mga pharmaceutical companies.
Bilang chairperson ng House Committee on People’s Participation, ilang ulit nang nagkaroon ng pulong ang komite may kaugnayan sa vaccine development.
Sa mga nakalipas na pulong, tiniyak ng Russian Embassy at British Embassy ang kaligtasan at efficacy ng kanilang mga bakuna. Ito ay ang Sputnik V at Astra Zeneca kung saan ang Sputnik V ang sinasabing pinaka epektibo sa mga senior citizen.