Natitirang pondo ng pamahalaan, gamiting pang-ayuda sa mga nasa NCR plus ayon kay Senaddor Bong Go
Hinihikayat ni Senador Bong Go ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan na i-maximize ang lahat ng pondo para mapalawak pa ang social amelioration program o pagbibigay ng ayuda sa mga pamilyang naapektuhan ng pandemya sa COVID-19.
Ayon kay Go, may mga ulat kasi na marami sa mga pamilyang Filipino ang nakararanas ngayon ng pagkagutom dahil sa umiiral na quarantine restrictions.
“Nakausap ko po kahapon si Secretary (Carlos) Dominguez. Hindi ko po tinitigilan pati si Secretary (Wendel) Avisado, sabi ko maghanap kayo ng pagkukunan, kung maaari walisin n’yo kung ano ang pwedeng walisin,” pahayag ni Go.
Dapat aniyang ayudahan ang mga residente sa NCR plus o ito ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na ngayon ay nasa mas mahigit na quarantine protocol.
“Yung mga hindi nagagamit na pondo ay gamitin n’yo na lang po sa mga kababayan nating naghihirap. Kinukulong natin sila para hindi magkahawahan, halos kalahati lang nakakapagtrabaho at maraming nawalan ng kabuhayan,” pahayag ni Go.
“Dapat mabigyan ng ayuda ‘yung mga mahihirap talaga na nasa NCR plus na mga lugar kung saan mas istrikto ang mga patakaran dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit doon,” dagdag ng Senador.
Pinaalalahanan din ni Go ang mga tanggapan ng pamahalaan na iwasan ang pamumulitika sa pagbibigay ng ayuda para hindi na maulit ang gusot noong nakaraang taon kung saan marami ang nagreklamo.
“Ang pagbibigay ng SAP ay nagkaroon ng reklamo sa first round. Ilang porsyento lang sa isang munisipyo ang nakakatanggap. Dapat ngayon perpekto n’yo na po ‘yan. I-combine n’yo na po mga nakatanggap sa listahan na una at binalikan n’yo (noong second round). Importante, wala pong ma-miss out at hindi makatanggap para walang reklamo. Para lahat ng nagugutom ay matulungan,” dagdag ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.