Pagbabakuna kontra COVID-19 at pamamahagi ng food subsidy ng LGU Manila, patuloy
By: Chona Yu
- 4 years ago
(Courtesy: Manila PIO)
Muling nagpapatuloy ngayong araw ang COVID-19 vaccination para sa frontline workers sa Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Manila City Health Officer Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, target ng Pamahalaang Lungsod na makapagbakuna ng 1,700 individuals o higit pa.
Nabatid na 1,000 sa kanila ay mababakunahan ng AstraZeneca vaccines sa Ospital ng Maynila Medical Center habang 700 naman ang makatatanggap ng Sinovac vaccines sa Sta. Ana Hospital.
Batay naman sa pinakahuling ulat ng Manila Health Department, umabot na sa 10,412 frontline workers ang nabakunahan na sa Lungsod ng Maynila as of March 24.
Samantala, nauna na ring nabanggit ni Manila City Mayor Isko Moreno na hangad niyang walang magutom sa Maynila habang wala pang mass vaccination.
Kaya naman tuloy-tuloy pa rin ang delivery ng food boxes sa mga taga Maynila. Kahapon, 792 mula sa 896 barangays ang napadalhan ng ayuda ng LGU Manila. Target ni Mayor Isko na buwan-buwan bigyan ng ayuda ang may 700,000 families ng lungsod habang hindi pa nababakunahan ang kalakhan ng mga Manilenyo.