Pahayag ni Carpio na kapalit ang Sinovac vaccine sa Chinese vessel sa WPS guni-guni lang ayon sa Malakanyang
Guni-guni lamang ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio ang pahayag na kaya binibigyan ng China ng bakuna kontra COVID-19 ang Pilipinas para maging kapalit sa presensya ng mga Chinese vessel sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mahalaga ngayon ang pakikipagkapwa o humanitarian dahil may pandemya na kinakaharap ang bansa sa COVID-19.
Naniniwala aniya ang Palasyo na ang donasyon ng bakunang China ay bahagi ng kanilang humanitarian effort sa Pilipinas.
Mahigit isang milyong bakuna ng Sinovac ang naging donasyon ng China sa Pilipinas.
Ayon kay Roque, kung hidi nagbigay ang China, wala pa sanang nagagamit na bakuna kontr COVID-19 ang Pilipinas.
“Guni-guni lang po iyan ni Justice Carpio. Alam ninyo po sa panahon ng pandemya na wala namang umasa na biglang magkakaroon ng ganitong pandemya ay importante po sa atin iyong pakikipagkapwa, iyong pagiging humanitarian. At naniniwala po tayo na itong donasyon galing sa Tsina ay kabahagi po ng humanitarian effort ng Tsina. At kung hindi naman po talaga dumating iyong mga bakuna ng Tsina, eh wala sana tayong napaunang nagamit na bakuna,” pahayag ni Roque.
Apela ni Roque, huwag sanang haluan ng pulitika ng mga personalidad na despereado nang Manalo sa 2022 presidential elections.
“Ang katotohanan po eh ay isang milyon ng Sinovac ang ating unang ginamit at ito po ngayon ay pinakikinabangan ng ating mga kababayan. Huwag sana po lahat hinahaluan ng pulitika ng mga persona na desperado pong manalo sa 2022 at malayu-layo pa naman po iyan,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.