Comelec, pinuri sa early completion ng mga balota

 

File photo

Ikinalugod ng Malakanyang na natapos ng Commission on Elections o Comelec nang mas maaga ang pag-imprenta ng mga balota na gagamitin sa halalan sa May 9.

Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr., binabati ng Palasyo ang Comelec hinggil sa pagtatapos ng paglilimbag ng nasa 56.9 milyong balota na naisagawa sa loob lamang ng apatnapu’t siyam na araw, o labing walong araw na mas maaga sa target date ng poll body.

Sinabi pa ni Coloma na nalagpasan ng Comelec ang naunang rekord nito noong 2013, kung kailan natapos ang printing na 52 million ballots sa loob lamang ng limampu’t pitong araw.

Dagdag ng Malacanang official, ang pagwawakas ng ballot printing ay patunay umano ng mabungang ugnayan sa pagitan ng Comelec at National Printing Office o NPO, na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office.

Kumpiyansa naman si Coloma na dahil tapos na ang pag-imprenta ng mga balota, mas matututukan na ng Comelec ang pagtitiyak ng maayos at nasa takdang oras na pagsasagawa ng pambansang halalan.

Nauna ang sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na ang mga balotang gagamitin sa May 2016 elections ay ang pinakamarami sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas.

Habang ang ballot printing naman ng kasalukuyang Comelec ay ang pinakamabili sa automated election history.

Read more...