259 volcanic earthquake naitala sa Bulkang Taal; Alert Level 2 nakataas pa rin
Nakapagtala ng 259 volcanic earthquake kabilang ang 236 navolcanic tremors at 4 na hybrid earthquakes sa Bulkang Taal sa loob ng 24 na oras.
Ayon sa Phivolcs, tumagal ito ng isa hanggang 22 minuto.
Mayroon din namonitor na mahinang pagsingaw sa bulkan na may taas na sampung metro mula sa mga fumaroles o gas vents ang naganap sa main crater.
Nakapagtala naman ng Phivolcs ng 813 na toneladang pagbuga ng sulfur dioxide kada araw.
Nasa 71.8 degrees Celsius na init sa main crater ng Bulkang Taal.
Nagpapatuloy pa rin naman ang pamamaga ng bulkan na nagsimula sa pagsabog nito noong Enero ng nakalipas na taon.
Dahil dito, sinabi ng ahensya na nagpapakita lamang ang kanilang mga obserbasyon na patuloy ang paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan.
Pinaaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na sa ilalim ng Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa volcano island na idineklara ng Permanent Danger Zone.
Pinaiiwas din ng Phivolcs ang mga piloto na lumipad malapit sa bulkan dahil sa pinangangambahang pagsabog nito na maaring magdulot ng pinsala sa anumang sasakyang panghimpapawid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.